Manila. ‘Tang inang pangalan ‘yan. Sa dinami-rami ng lugar sa bansa, isinunod pa ang pangalan mo sa pinakamaingay, pinakamasikip, at pinakamabahong lungsod ng Pilipinas. Hindi lang kami nagkita ng mga magulang mo pero pupusta akong may saltik din sila kagaya mo. Kung sabagay pareho lang naman tayo. Kamusta ka na?

Tanda mo nung una tayong magkita? Hindi ka nagsasalita. Para kang kuting sa sulok. Oo tapos hindi pantay ang manggas ng t-shirt mo. Mukha namang bago. Sabi nga ni Allen nun “Puta ‘yan ang fashion statement.” Maghapon n’yang bukang bibig ‘yon. Tapos ikaw ngingiti-ngiti ka lang. Hindi pa huli ang lahat. Pwede pa natin s’yang banatan.

‘Yon ang problema ko sa’yo e. Masyado kang mabait. Kahit ginagago ka sa group projects sige ka lang nang sige. Kahit yung kaisa-isang babaeng nagustuhan mo, pinaubaya mo pa sa iba. Nakisakay ka pa sa gimik ng boypren n’ya. Oo nga pala, hindi na sila. Hindi na rin s’ya maganda.

Naaalala ko ang mga bagay na ginawa natin noon. Tanda mo noong hindi tayo pumasok sa klase dahil wala naman talaga tayong naiintindihan sa pinagsasabi ng mahusay nating prop? Oo s’ya. Yung demanding. Hindi ka naman umiinom at wala rin naman tayong pera kaya naupo lang tayo sa isang tabi at nagkwentuhan hanggang inabot tayo ng madaling araw. Sa tuwing babalikan ko ‘yon, puta wala naman talaga masyadong kabuluhan yung mga napag-usapan natin. Tapos tinanong mo ‘ko, “nakagat ka na ba ng anay?” Putang inang tanong ‘yan!

Ayaw mo nun umuwi. Hindi ko maintindihan kung bakit. Mukha namang okey ka sa inyo. Madalas mo ngang makwento ang mga biruan niyo sa bahay ‘di ba? At yung pusa mong may diperensya? Masaya ka nun. Masayang masaya.

Naalala ko rin yung mga tips mo para makatipid. Bago nun, hindi ko alam na pwedeng mabusog nang husto sa halagang singkwenta pesos. Singkwenta! Walanghiya, barya lang ‘yon sa pamangkin ko. Pero nagamit ko ‘yon. Pati kung saan mura ang rentahan ng computer, kung paano mangutang, at kung sino sa mga kaklase natin ang madaling utangan.

Simple kang tao pero mapangarap. Parang nakakagago isipin no? Siguro simple ka kasi nangangarap ka para sa iba. Hindi para sa sarili. Kung hindi nga lang sayang ang talino mo edi sana nanatili ka na lang sa probinsya. Wala naman sa’yo ang mamuhay doon e. May pangarap ka lang talaga para sa pamilya mo.

Tanda mo pa yung bahay? Yung sabi mo na bibilhin mo para lang tambayan? E wala ka ngang tropa! Kahit tayo hindi kilalang magkatropa. Takbuhan ka lang ng lahat ng nangangailangan. Sabi ko hospisyo ang tawag sa bahay na bibilhin mo, hindi tambayan. Tapos tumawa ka lang. Naalala mo wala ka na palang pamasahe. Tapos sabi ko pa “Kita mo ‘yan? Ni pamasahe nga wala ka! Bibili ka pa ng bahay para tambayan!” Pero sumige ka pa rin. Sabi mo gusto mo rin ng restawran. Pero dahil sinabi ko na hindi ka yayaman sabi mo karinderya na lang. Hindi ka talaga sumuko.

Tanda ko pa nung pumalya ka sa thesis proposal. Nakangiti ka pa rin. Tapos ang sabi mo sa ‘kin, “Yung sa’yo? Ready ka na? Ayusin mo. Mahigpit sila.” E ni hindi nga natanong ng magulang ko sa akin kung anung taon ko na sa kolehiyo e! Pero salamat pre. Ginising mo pa ‘ko nung araw ng presentation ko dahil basag na ‘ko kakaaral. Sabagay, minsan nagtataka ‘ko kung natutulog ka ba. ‘Tang ina kasi nun ni Sanchez walang konsiderasyon. Alam nang ngarag tayo babanat pa ng exam.

Pagkatapos kong makalusot hindi ka man lang nagpakita sa kainan. Pero ayos lang, alam ko namang hindi ka komportable sa iba nating kaklase. Nagkita ba tayo nung graduation? Wala kang litrato sa akin. Ang tanda ko lang e yung pirmahan ng clearance. Ang bilis mo nakatapos. Hindi mo ‘ko nasamahan kasi uuwi ka pa ng probinsya. Pero ang saya saya mong tingnan nun. Halatang malaking ginhawa sa’yo na nakatapos ka na.

Oo nga pala manager na ‘ko ngayon. Akalain mo ‘yon? Natupad ang pangarap mo sa’kin! Matapos kong sabihing masesesante ako sa unang araw ng trabaho at maglalako na lang ng aliw sa kanto, heto na ‘ko ngayon. Bilib din ako sa tiwala mo sa mga tao e. Nakabalita ka na ba sa iba? Maganda na rin ang buhay nila. Nagtagumpay raw sila. Pero si Jenny umamin sa akin. Nung subukan raw niyang balikan ang lahat, ikaw ang naalala niya. Ikaw yung matiyagang magtulak sa kanya pataas. Gusto ngang mangumusta sa’yo e?

Nasaan ka na Mala? Bigla ka na lang nawala. Pasensya na kung hindi kita nasipot nung unang Biyernes ko sa trabaho. Naaya ako ng officemates ko sa inuman e. Hindi ako nakatanggi. Pero salamat sa lahat. Hindi ko man lang nasabi nang harapan. H’wag ka muna mag-aasawa ha? Hindi pa ‘ko nakakabawi sa’yo.

Bumalik ka na. Nami-miss na kita. Ang bading isipin pero ikaw na ang bahala. -aB


This serves as our tribute to all our angels friends whose love went quite unrequited. We just want to say we love you even though it’s many years late.

Featured Image by: ~jaredfamor

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s